Kausap ko si Mama sa telepono nang tumawag ang Salvadoran. Mula nung pumanaw si Papa, naisip ko na palagiang tawagan si Mama tuwing biyernes. Tutal, telecommute naman ako nang araw na yun. Nakakatuwa lang, di kami nauubusan ng kuwento. Ang laging bungad ni Mama pag-angat ng telepono ay ang American boy. Tumatagal yung kuwentuhan namin ng kalahating oras. Nakakausap ko rin ang kapatid kong si Nene kapag nataon na nasa bahay siya. Huwag nyo na lang itanong kung magkano ang phone bill ko kada buwan.
Sabi ko sa Salvadoran na tawagan ko ulit siya mamaya kasi kausap ko mama ko. Alam niyang aabutin ng siyam siyam ang usapan namin kaya nag-text na lang siya. Magkita daw kami sa harap ng GAP sa Powell.
Pagkatapos ng isang oras at kalahati, nasa harap na ako ng Gap. Kinakapa ko yung cell phone ko para tawagan siya na andito na ako nang may nakita ako sa di kalayuan. Sa gitna ng mga tourista, empleyado sa opisina, at mamimili - agad ko siyang natanaw.
Tumayo na lang muna ako sa isang sulok patuloy na nagmasid sa malayo nang tumunog ang cell phone ko. Nagtatanong ang Salvadoran kung nasaan na raw ako. Bigla akong napangiti.
~ral
(Ang larawan sa itaas ay ang tulay na ang tawag ay Bay Bridge sa San Francisco.)