Umulan nang bandang umaga hanggang tanghalian nung Sabado. Ganito talaga kapag tag-sibol, di mo maintindihan ang panahon. Minsan maaraw, minsan malamig at maulan. Nagmamadali kami ng SalvadoreƱong lumabas ng bahay kanina kaya di na namin naisip na magdala pa ng payong. Ayaw kasi naming mahuli sa musical na Altar Boyz na ang simula ay ika-dalawa ng hapon.
Tatlo na lang ang natitirang pagtatanghal ng Altar Boyz. Lilipat na sila ng ibang lungsod pagkatapos ng ilang buwan nilang pamamalagi sa San Francisco. Maraming nakasulat tungkol sa musical, maraming naibigan ang kantahan at marami din namang hindi. Maraming nagsasabi na kakaiba sila - di ko lang mawari kung maganda ba ito o hindi. Napanood din namin ang Jersey Boys at Legally Blonde kamakailan lang at pareho naming naibigan at mga ito.
Di pa kami nakalalabas ng Civic Center station nang tumunog ang cell phone ko. Nag-text sila Team Russia na mahuhuli daw sila ng sampung sandali. Nagusap kami nung isang araw na magkikita kami sa tapat ng Orpheum Theater sa baryo ng Tenderloin ng ala-una y media. Nagusap din kami kung ano ang susuotin namin kaya napansin kaagad ni D, pagkadating na pagkadating nila, na hindi itim ang raincoat ko gaya ng una kong sinabi sa kanya.
Maaga-aga pa kaya di agad kami pumasok sa gusali. Habang nagkukumustahan kami, napansin ko na parang ang konti ng tao sa labas ng gusaling pagdadausan ng musical. Marahil nasa loob na ang ilan. O di kaya't dahil sa maulan ang panahon? Agad kong naalala na baka maraming lumisan ng syudad dahil sa Mahal na Araw. Bigla tuloy akong napabuntong hininga at naisip ang Mahal na Araw sa Pilipinas.
Halos limang minuto bago mag-ika-dalawa ng hapon nang nagsimla kaming pumasok sa teatro ng Orpheum.
~ral
(Ang larawan sa itaas ay kuha sa distrito sa San Francisco na ang tawag ay Glen Park. Ito ang tanawin sa kalye ng Diamond at Bosworth.)
1 comment:
poopy! i sent u an email rather than a comment! duh! anyway....like what i was supposed to say...i really love ur writing! witty, informative, dramatic, inspiring....LAHAT NA! TODO NA! =) miss u na!
Post a Comment